![]() |
Baranggay Daanghari, Navotas City |
Sa aking kinabibilangang baranggay, ang Baranggay Daanghari sa Navotas, mayroong dalawang pangunahing sakuna ang paulit ulit nang sumalakay at nakasira ng kabuhayan ng mga mamamayan. Ngunit bago ang lahat, ano nga ba ang sakuna? Ang sakuna ay ang mga kaganapang nagdudulot ng pinsala o kalamidad sa isang lugar. Ito ay maaaring natural na sakuna tulad ng bagyo, lindol, at buhawi, o man-made na sakuna tulad ng sunog, aksidente, at iba pa. Kung babalikan, ang dalawang pangunahing sakuna na sumalanta sa aming baranggay ay ang sunog at bagyo.
Aking nakapanayam si Kagawad Rolando Trinidad, ang isa sa mga tauhan sa baranggay na kabilang sa koponan ng Disaster Risk Reduction and Management, isang committee ng Peace and Order, at nanilbihan na rin noong 2002 hanggang 2013 bilang Punong Baranggay. Kanyang nabanggit na ang sektor sa aming baranggay na pinaka-vulnerable sa sakuna ay ang mga “informal settlers” sa tabing dagat. Mayroon kasi sa aming malapit na bangkaan na kung tawagin ay Bangkaan sa Tres o and Tres Ferry Terminal. Matatagpuan sa lugar na iyon ang mga bahay na nakatayo sa tubig. Dulot ng hirap sila sa buhay, doon na sila nagtayo ng kanilang tirahan at ang kanilang ikinabubuhay ay ang pamamangka.
![]() |
Kaliwa: Litrato habang nag-iinterbyu; Kanan: Litrato pagtapos ng interbyu. |
![]() |
Una at pangalawang litrato ay mula sa http://quezoncityslums.blogspot.com /2010/11/earlier-in-week-id-met-spokesperson.html. Pangatlong litrato ay mula sa Google Maps. |
Naikwento sa akin ni Kagawad na noong 2005, naitalang nagkaroon ng pinakamalaking sunog sa aming baranggay sa tabing dagat. Sunog ang lahat ng bahay ng mga mamamayan. Pagtapos ng isa o dalawang taon, naulit muli ang sakunang ito at ang naapketuhan pa rin ay ang mga nasa tabing dagat. Ang pinakakinatatakutan raw ng karamihan ay ang kung ano mang kalamidad ang sasalanta sa aming baranggay, lalo na’t marami ang naninirahan malapit sa dagat at ilog. Kung may bagyo at lalakas ang alon, tataob ang mga bahay na nakatayo roon. Kung may sunog naman, malabong may matirang bahay dahil dikit dikit ang mga iyon. Kung lalakas ang hangin, masisira at matatangay ang mga bahay.
Dahil hindi maiiwasan ang sakuna, minabuti at palaging sinisiguro ng koponan ng DRRM na handa ang baranggay sa mga ito. Nanggagaling ang banta ukol sa darating na sakuna mula sa CIty Government ng Navotas at pinatatawag sila upang maghanda. Kinakailangang may rescue team na, pagkain para sa mga tao kung kailangang lumikas, mga life vest, life buoy, at nakahanda na rin ang evacuation center na nasa Daanghari Elementary School.
Makikita sa mga litrato sa ibaba ang ligtas na lugar sa Baranggay ng Daanghari. Ito ay ang interseksyon ng eskinita ng A. Ignacio at M.Naval. Hindi na binabaha ang nasabing lugar na iyan dahil tinaasan na ito at may maayos na daluyan na ng tubig ang mga kanal. (Litrato mula sa akin)
Makikita sa mga litrato sa ibaba ang ligtas na lugar sa Baranggay ng Daanghari. Ito ay ang interseksyon ng eskinita ng A. Ignacio at M.Naval. Hindi na binabaha ang nasabing lugar na iyan dahil tinaasan na ito at may maayos na daluyan na ng tubig ang mga kanal. (Litrato mula sa akin)
Ang mga susunod na litrato naman ay ang Daanghari Elementary School, ang nasabing evacuation center. Mayroon itong maluwag na pacilidad upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamayan ng Daanghari kung sakaling may sakunang tatama sa komunidad. (Litrato mula sa akin)
Upang maiwasan na rin ang pagbaha kung sakaling may tatamang bagyo sa aming lugar, masasabi kong "best practice" ng mamamayan namin ay ang regular na "clean-up drive" na isinasagawa upang alisin ang mga basura sa daan at hindi bumara sa mga kanal dahil mayroon pa ring mga taong hindi marunong magtapon sa tamang basurahan. (Litrato sa ibaba, mula sa akin)
Kung babalikan, ang isyung kinakaharap talaga ng aming baranggay ay ang pagkakaroon ng mga "informal settlers" sa tabing dagat. Sila talaga ang nailalagay sa panganib sa tuwing may kalamidad na tatama sa aming lugar. Nabanggit sa akin ni Kagawad Rolando na noong nagkaroon ng malaking sunog sa Daanghari, 500 pamilya ang nawalan ng tirahan. Noong panahong iyon, wala silang "relocation" kaya't pinabalik nila ang mga pamilyang ito sa tabing dagat ngunit inayos ng pamahalaan ng Navotas ang bahay nila. Binigyan ang mga ito ng 15 square meters kada pamilya at pinatibay ang pagkakagawa sa mga bahay. Mahirap raw talagang hanapan ng relocation dahil na rin sa dami ng pamilyang kailangang tugunan ang pangangailangan. Kung bibigyang solusyon ito, unang una ay dapat makahanap na ng relocation area ang mga pamilyang ito dahil habang tumatagal, mas dumarami at lumalaki ang kanilang populasyon. Dapat rin ay magkaroon ng konkretong plano upang lutasin ang matagal nang problema ng baranggay ukol sa mga nakatira sa tabing dagat.
Hindi lamang sa aming baranggay mayroong mga "informal settlers." Sa buong Pilipinas, naitalang mayroong mahigit 2 million na ang naninirahan kung saan at 556,526 na pamilya ang nasa Metro Manila.
Pagtapos ng panayam at community walk, aking napagtanto na ang hirap maging mahirap. Kahit pa sabihin ng karamihan na matatag ang mga Pilipino, hindi iyon sapat na rason upang ipagpasawalang bahala ang lumalalang problema ng kahirapan. Kaya mayroong mga "informal settlers" sa bawat sulok ng Pilipinas ay dahil sa kahirapan. Hindi lang naman sila ang may kasalanan ngunit ang sistema rin ng ating bansa. Ang edukasyon ay siya sanang makatutulong sa pagpuksa ng kahirapan ngunit hindi ito bukas sa lahat ng sektor ng lipunan. Mayroon at mayroon pa rin napag-iiwanan ng panahon nang dahil lang sa sila ay mahirap.
Sa aking palagay, kailangan nating tugunan ang problema ng kahirapan na may kaugnayan sa sakuna at kalamidad dahil hindi biro ang masalanta nito. Hindi biro ang mataas na numero ng mga namatay, nasugatan, naulilang mga pamilya, nang dahil sa sakuna. Kinakailangang maging handa sa lahat ng oras at bilang isang miyembro ng lipunan, kinakailangan ko ring tumulong. Sobrang mulat na dapat ang lahat na huwag magtapon ng basura kung saan lamang. Kung may sakunang paparating, magbigay na ng mga pagkain, tubig, gamot, damit, at mga first aid kit para sa mga mamamayang lilikas. Sa mga simpleng paraan, maaari akong magkaroon ng ambag at magagampanan ko ang aking tungkulin bilang parte ng isang lipunan.